Isang pagbabalik-tanaw sa danas ng pantasya
Kung papansinin ang mga moda ng publikasyon sa kasalukuyan tulad ng mga tagalog pocketbooks sa National Bookstore o mga libreng pinoy romance e-books online masasabing malawak, at patuloy na lumalawak, ang taglay nitong pwersa sa loob ng kulturang popular. Base nga sa sarbey na isinagawa ng National Book Development Board noong 2007, umabot sa 67 percent ng kabuuang bilang ng mga respondents nationwide ay napag-alamang nagbabasa pala ng Biblya, tinatayang 33 percent naman sa romance novels at 28 percent naman sa cookbooks. (inquirer, 2007)
Kung susuriing mabuti ang mga datos na ito tila nanghihimok lamang ito ng masusing pagtalakay o pag-usisa sa bisa ng relasyunal na antas ng kasaysayan at kasalukuyang mass production ng mga tagalog romance novels. Kung ganun, sa isang banda, maiiwasan ba nating tignan ang mga kwentong ito bilang salamin ng buhay o nagsisilbi ba lamang silang patunay ng isang matinding impluwensiyal na pananakop?
Nararapat lang kung ganun na balikan natin ang panahon kung kelan umiral ang dominanteng sistema ng literacy sa Pilipinas. Mababatid kasi na nung mga 1900, naging layunin ng mga Amerikanong kolonisador nun na palawakin pa ang sakop ng edukasyon bilang instrumento nila ng ideological submission para sa mga Pilipino. Kaya isa na rin ito sa mga tinuturong dahilan kung bakit malaki ang naging demand noon sa mga libro. Sadyang dumami kasi ang mga nahilig magbasa na siyang nagdulot naman ng papalakas na impluwensiya ng imprenta. Pero dahil dito, nagsilbing komersyal tuloy ang epekto nito sa kabuuan. (Cruz, 1938)
At di nga nagtagal noong 1920, nauso ang mga pahayagan tulad ng Sampaguita at Liwayway. Sa mga pahayagang ito rin unang pinakilala ang mga serialized tagalog romance novels na tinangkilik noon. Dulot na rin ng ganitong pagkahumaling naging mabisa tuloy ang tila amerikanisasyon ng mga pilipino: “By the second decade there were enough Filipinos willing to affect the lifestyle and manners of the Americans, enamored as they were with the world created through education.” (Benitez, 1931, p. 13; Gleeck, 1975)
Pero sa kabilang banda, kung porma lang ng wika ang pag-uusapan. Marami pa rin sa mga pilipino noon, mas gugustuhin pa ring magbasa ng mga nobelang Tagalog sa Liwayway kesa sa mga ingles na babasahin tulad ng Free Press at Graphic. (Cornejo, 1939) Ebidensiya lamang ito na kumpara marahil sa bilang ng mga edukadong middle class nung panahon na ‘yon, malaking porsyento pa rin sa mga Pilipino ay nananatiling saklaw pa rin ng wikang gamay nila taliwas sa gahum ng impluwensiya.
Sa loob ng mahigit limang dekada, natustusan ng Liwayway ang bawat pastime ng mga pilipino noon. Sa katunayan, nagsilbi pa itong inisyatibo upang mahikayat pa ang iba’t ibang pribadong publikasyon na magbunsod pa ng malawakang mass production ng tagalong romance novels sa buong bansa. Mangyaring nagsara ang Liwayway noong 2005, ngunit lumipat naman ang pamamahala nito sa Manila Publishing Corporation. Pero ang tila pumalit naman sa katanyagan ng Liwayway sa kasalukuyan ay ang Precious Pages Corporation na kung saan bagong-tatag lamang noong 1992 (romansang tagalog, wikifilipino). At sa kabila man ng mabigat na krisis noon, nagawa pa rin nilang maging tanyag gawa ng kanilang mga nilalabas na nobela buwan-buwan. Senyales lamang ito na higit pa rin tayong naka-kwadra sa kamalayang hinubog ng mga Amerikano at tila inaakit parati sa pantasyang hatid ng pagsuko.
Ang “The Promise” bilang tekstong panghihikayat
Modern ang treatment sa kwentong “The Promise” ni Garnett Heart. Mahusay naman ang pagkakasulat. Malinis pati at merong pang humor kaya’t mataas ang kanyang entertainment value. Tampok siyempre sa kwento ang isang twenty-six year old na hopeless romantic na si Julia. Isang tipikal na old maid sa kanyang mga kabarkada, mataas ang standards at pa-sosyal kung kumilos.
Hanggang sa makilala niya ang isang lasenggerong si Leandro dulot ng isang chance encounter sa MRT. Sesentro bale ang kwento sa development ng relasyon nilang dalawa buhat sa parating nag-aaway hanggang sa magkapalagayan ng loob. Sadyang magkaiba pati ang mundong kanilang ginagalawan. Anak ng isang kilalang negosyante si Leandro habang isang hamak na emplayado lamang sa isang paper company si Julia. Happy go lucky si Leandro habang kabaligtaran naman si Julia.
Sa kabila nito, may kakabit pa ring misteryo ang kwento na mag-uugnay sa kanilang dalawa. Matutuklasan bale na kamukha kasi ni Julia si Julie ang ex-girlfriend ni Leandro na naging biktima ng isang car accident na nagdulot ng maaga niyang kamatayan. Umpisang malaman ni Julie ito, nagdesisyon siyang layuan si Leandro. Sa States naman piniling mag- regress ni Leandro ngunit may iniwan pa rin siyang pangako kay Julia na babalikan ito’t papakasalan. Na siyang nangyari naman sa ending ng kwento, naayos ang di pagkakaintindihan, may nangyaring kapatawaran at higit sa lahat may acceptance na naganap.
Para sa ibang sanay na sa kapapanood o kababasa ng mga romantic comedies, mapa-local man o foreign, malamang di lalabis sa ideyang “cliché” ang ganitong kwento. At kung may bago man sa disenyo, nalimita lamang ito sa gamit ng wika, sa sakop ng sariling sensibilidad pati kaangkupan sa nangingibabaw na kultura. Taliwas ito sa ideyang escapist ang ganitong mga nobela dulot lamang ng pagtingin sa antas ng pantasya (pampakilig man o sekswal). Sa katunayan, imbes na pagtakas mas angkop sigurong isipin na isa itong uri ng seduksyon upang lalong manatili ka sa pulitikal na skema ng lipunan.
Pero hindi ba ito isang uri ng over-reading discourse lamang o di kaya posibleng wala naman talagang kakabit na pulitikal na kawing ang ganitong mga kwento. Mangyaring gasgas lang talaga ang plot, may iba’t ibang permutations at simpleng pampakilig lang talaga? Kung ako tatanungin, mapanganib ang ganitong pangangatwiran. Imposibleng magbuhay-bula ang bawat pangyayari sa kwento na walang sapat na a priori o sapat na kamalayang panlipunan (mekanismo at struktura). Sang-ayon ako bale sa sinabi ni Eagleton na may relasyon ang literatura sa danas ng lipunan at hindi lamang basehan ang pormalistikong antas: “to refuse the spontaneous presence of the work and instead expose the real determinants that have conditioned the text.”
Kung babalikan ko naman ang ilang linya sa “The Promise”, di maitatagong malay pa rin ang karakter ni Julia at nanatiling grounded sa kanyang katayuan sa lipunan:
Huminga siya ng malalim. Mabuti pa ang kapatid niyang si Joshua at pinag-aral sa isang high standard na university, samantalang siya’y sa isang di-kilalang center nagtapos ng psychology. Kaya kahit nag-graduate siyang Dean’s Lister ay nahirapan siyang makahanap ng trabaho dahil laos daw ang pinanggalingan niyang paaralan. Sinuwerte lamang siyang nakapasok sa paper company na ito dahil nagkataong kakilala ng kanyang ama ang dating HR manager. Sa ngayon, kahit tatlong taon na siyang namamasukan doon ay wala pa sa walong libo ang tinatanggap niya sa isang buwan kung ikakaltas ang lahat ng kanyang mga deductions.
Dati-rati ay nagpapadala pa siya sa probinsya ng tatlong libo kada buwan para pang-allowance ni Joshua, ngunit nung nakaraang taon ay nakapag-abroad ang kanyang ama kaya’t sinabihan siyang mag-ipon na lamang. Dahil magaling siyang magtipid ay halos kumpleto na ang mga appliances niya sa apartment, ngunit kung savings ang usapan, walang-wala siya nun.
Tutukan naman natin ngayon ang kumbensyon ng pagkukwento. Kung ikukumpara natin ito sa disenyo ng awit at korido noon mapapasin na may ilan pa ring pagkakatulad. Ang pagkakaroon, halimbawa, ng mga pagsubok ay tila nakatatak na sa naratibo at tila nakaayos ayon sa ikatatagumpay ng isang sentral na tauhan o bida. Taliwas sa mga kwentong Florante at Laura, Principe Baldovino at Bernardo Carpio, sa nobelang “The Promise” babae ang bida ng kwento. Senyales lamang na susubaybayan natin ang direksyon ng kwento ayon sa lente ng isang babae na angkop sana sa papel na damsel in distress pero sa halip tuloy na manatiling pasibo, nagmistulang aktibo ang karakter ni Julia taliwas sa pagiging hopeless romantic.
Naroon pa rin siyempre ang imahe ng matikas na lalake (Bernardo Carpio), isang lalakeng mayaman (Florante) o makapangyarihan (Prinsipe Baldovino) na siyang taglay naman ng katauhan ni Leandro, isang pisikal na hubog na pantasya ng bida. Isang gwapo, mayaman at impluwensiyal na lalake. At palibhasa sumesentro ito sa ideya ng pag-ibig, magsisilbing goal tuloy para sa bida na bihagin niya ang atensyon ng kanyang minimithi. Isang sukat na tinatamasa sa ending na may katumbas na hangaring maitaas pa ang idealism ng pangunahing tauhan: “This striving toward an ideal is an expression of a deeply felt desire to achieve a higher plane of existence, which in real life is frequenty aborted.” (Reyes. 1991, pp 279)
Kung tatantyahin naman natin ang depinisyon ng “ideal” sa statement na ito. Kung uusisaing mabuti, sinu-sino ba ‘tong nagdidikta kung ano ang “ideal”? Angkop ba ang ideal na ito para sa panlipunang kaayusan na nangingibabaw sa kasalukuyan o nagsisilbi lang ito sa ilan? Malinaw tuloy na isa itong capitalist ideal. Kung babalikan ang nobelang tagalog noong 1920, may sapat na pamantayang sinusunod sila nun, dulot ng mga publishers, na siyang ginagamit upang hubugin ang kamalayan ng mga mambabasa: “ways of perceiving reality and strategies for shaping life’s experiences had been conventionalized and assumed the force of law, specially for a neophyte in search of an appropriate model.” (Reyes. 1991, pp 140)
Sa bisa naman ng wika, tila kumbersasyunal naman ‘yung antas ng dayalogo. Taglish ang ginamit na sadyang gamay ng mga taong nasa middle class o panatiko ng kulturang popular. Kung tutuusin pa nga, malayo pa yung porsyentuhan ng tagalog sa ingles at hindi pa patas kung minsan. Aangkla na siguro dito kung sinu-sino nga ba ang saklaw ng interaksyon o social unit na kinabibilangan. Sa kwento, nagmistulang Alabang girls ang barkadahan nina Julia. Taling-tali pa rin ng cosmopolitan at nanatiling bihag ng patriyarkiya:
“Ikakasal na ako!!!” malakas na hiyaw ni Lucy.
Natulala si Julia. Kahit gustuhin niya ay wala siyang mailabas na boses.
“Nag-propose kanina si Jasper,” pagpapatuloy ni Lucy. “Grabe, naiyak ako sa tuwa!”
Kahit na walang masabi ay nangiti si Julia sa galak na nakita sa kaibigan. “Seryoso ba ‘to?”
“Ito ang ebidensiya,” ani Lucy at ipinakita ang diamond ring na suot-suot nito sa daliri.
“Wow!” Hindi napigilan ni Julia ang mamangha sa ganda at kinang ng isang tunay na diamond ring. “Mahal siguro niyan ‘no?”
“Sabi sa akin ni Ma’am Hermie, thirty to fifty thousand daw ito.”
“Grabe!”
Sa umpisa, nagmistulang radikal ang imahe ni Julia sa mga kaibigan. May kaukulang distansya ang pagiging old maid niya kumpara sa sukat ng submission ng kanyang mga kaibigan sa ideya halimbawa ng kasal. Mangyaring sintomas tuloy ng social pressure ang simpleng pamumuna sa “single” status ni Julia, tila may pangangailangang hatakin siya upang makibagay o hiling para sa homogeneity sa mekanismo ng kanilang kultura. Gawa na rin siguro ng kumbensyon ng kwento, nangyari ang pagsuko ni Julia at tila na-pacify ang kanyang inner rebellion at nagawang sumailalim pa rin sa ideya ng pagpapakasal. Isang malinaw na instrumentasyon dulot ng tagalog romance novel na, sa kabila ng lahat, ay manghikayat.
Ang Pantasya bilang Puhunang Kapital
Kung babalikan natin, ang pantasya ay isang uri ng kathang-isip o imahinasyon. Gayunpaman, hindi siya simpleng kathang-isip lamang. May sangkot din itong pwersa na nanggagaling sa ating diwa, isang hubog ng ating pagnanasa (makamundo man o materyal) na maaaring ituring na isang kathang-diwa. Sa mundo bale ng romance novels, ito ang tinuturing na pampalasa upang makahikayat pa ng mga mambabasa.
Isa rin itong mabisang instrument upang mapanatili ang bilang ng mga tumatangkilik sa mga nililimbag na mga kwento. Kailangang masustentuhan ang tila fantasy-addiction upang mapanatili ang lawak ng mass production sa buong bansa. Pero paano ba nasusustine ng mga kwentong ito ang antas ng gutom na sadyang di nalalayo sa fastfood fetishism?
Balikan natin ang kwento. May ilang giveaways rito na tila sinadya ni Julia upang maipakita niya sa atin ang konseptwal na pabalat ng kanyang pantasya. Senyales lamang ito na pilit niya tayong inuusog, gawa na rin ng sarili nating submission, sa pansarili niyang pantasya:
Hinahaplos niya ang basa pa rin niyang buhok ng bigla siyang mabangga ng isang matangkad na binata.
“Oh, sorry Miss!” agad nitong paumanhin.
Napatingala si Julia, at ng makita ang binata ay ngumiti siya. “Okey lang.”
Magkatabi silang tumayo doon, at sa loob-loob ni Julia ay para siyang kinikilig. Hindi niya inakalang makakakita siya ng guwapo doon.
Patingin-tingin ang lalaki sa paligid ngunit hindi man lang ito tumingin sa kanya. Lihim niya itong pinagmasdan. Wavy ang buhok nito na lalo pang gumaganda kapag nililipad ng malakas na hangin na dala ng ulan. Matangos ang ilong nito at may kapulaan ang mga labi. Ngunit ang pinakamaganda nitong asset ay ang mga malalalim nitong mga mata na kahit siguro sinumang babaeng makakita ay siguradong lilingunin itong muli. Kung tangkad ang usapan ay dehadong mas matangkad ito kumpara kina Benedict at Jasper, at maganda pa ang pangangatawan. Kung ito ang magiging boyfriend niya’y siguradong maiinggit sa kanya sina Lucy at Claire.
Nung sinuri ko itong mabuti, mukhang di nalalayo ang bawat paglalarawan sa isang mahigpit na saklaw ng white supremacy dulot na rin siguro ng amerikanisasyon ng mga pinoy. Isang hiling na makatagpo ng isang tila Zach Efron o Edward Cullen ay epekto lamang ng isang fantasy-infection na pinahahawa sa atin para magkaroon ng isang ganap na hubog ang ating magkakaiba (o sumasalungat) na visual framework ng pantasya.
Hanggang umabot sa punto na may sapat nang template ang espasyo ng pagnanasa na siyang hahanap-hanapin natin sa mga kwentong tulad nito: “As the space in which the desire is constituted (given its objects and so on), individual fantasy scenes invoke a pre-existing lack which fantasy covers up. It implies, manipulates and produces pre-ideological enjoyment structured in fantasy.” (Mass-produced fantasy, pp 4)
Kung babalikan naman natin ang ideya ng escapism kanina, bakit kaya ito ang nagiging tingin sa mga tagalog romance novels sa ngayon? Mangyaring nariyan siguro ang ilusyon ng kontrol, sa halaga ba namang 5 o 40 pesos nagagawa mong ihiwalay ang iyong sarili sa reyalistikong kondisyon ng lipunan at maglunoy muna sa pseudo-world na sinulat ayon sa genre ng romance. Ang escape baleng hinihingi rito ay isang klase ng pahinga sa ginagampanang katayuan sa buhay (o mangyaring social class na rin).
Pero kung sisilipin naman natin ang struktura ng lipunan at ikukumpara sa kumbensyon ng pantasya sa “The Promise”, malinaw na walang pagkakaiba. Ang danas ay parehas pa rin pati ang role-formation, lapat na lapat. Ang tanging pagkakaiba lang ay tila isang ekstatikong pagnanasa na kumapit sa anumang tatataliwas sa routine ng buhay, at dito nga papasok ang manipestasyon ng pag-ibig.
Gaya ng sinabi ko kanina, hindi ako naniniwala na isa siyang escape. Mas tama sigurong isipin na isa siyang maze. Isang disenyo na may malinaw na simula at katapusan pero may ganap na paglalaro sa gitna ng paglalakbay. Hindi ka papayagan siyempre ng tagalog romance novels na basta-basta tumakas, bibigyan ka siyempre n’yan ng mga dead-ends. Ang dead-ends na ito ay mismong tingin na pumapalibot kay Julia upang usigin siyang makahanap ng tuwirang daan palabas: “Fantasy fulfills not only the need for intersubjectivity. And answers the original question of desire. Not directly what do I want? But what do others want from me? What do they see in me? What am I to others?” (mass-produced fantasy, pp 5)
Kung babalikan si Julia sa kwento, merong bahagi roon na kailangan nilang magpanggap ni Leandro na magkasintahan sila upang mawitness ng kanyang mga kaibigan ang isang rite of passage para masabing kabilang pa rin siya sa kanilang grupo:
“O baka naman kayo na? Hindi niyo lang inaamin,” dagdag pa ni Claire.
Muling natulala si Leandro. “…Kami?”
“Yes,” Claire replied. “Di ba nililigawan mong kaibigan namin?”
Namula ng husto si Julia ng tumingin sa kanya si Leandro. Baka sakaling maintindihan nito ay lihim niya itong siniko sa beywang.
“Ah, yes. Oo naman.”
Nakahinga ng maluwag si Julia. Mabilis din naman palang makasakay si Leandro.
“Sinagot ka niya?” tanong ni Lucy.
“Siyempre.”
Tinadyakan ni Julia ang paa ni Leandro. “Hindi pa. Nagbibiro lang siya,” aniya at kunwaring kinurot si Leandro sa braso. “Ito talaga kung anu-anong sinasabi.”
“Hindi pa ba?” Leandro asked.
“Hindi ‘no.”
Natawa ang lahat sa kanila. “Mabuti naman at nakayanan mong ligawan yang kaibigan namin eh ang supla-suplada niyan,” ani Lucy.
“Sobra nga eh,” sang-ayon ni Leandro. “Kilay pa lang inaatrasan na.”
Muling nagtawanan ang lahat. Gustong magtaas ng kilay ni Julia ngunit pinigilan niya iyon dahil baka mas lalo siyang pagtawanan.
Sa antas ng pantasyang binibigay sa atin ng mga tagalog romance novels, importanteng puntuhin kung ano nga ba ang kalikasan nito at impluwensiya nitong maaaring iparating para sa mga mambabasa. Malay man o hindi, dapat mabigyang-sukat ang mga pagsukong ginagawa upang malaman ang tuwirang manipulasyon na hatid ng kumbensyong minamaniobra ng mga may-ari ng publishing houses.
Ang Imaheng Pabalat at Commodity Fetishism
Maganda rin sigurong usisain ang pabalat ng mga tagalong romance novels na naglalabasan ngayon. Tutal ang imaheng kinakalat nito’y isang uri rin ng wika. Isang panimulang wika na naghihikayat para sa mga taong bumili ng mga commodified fantasies na nakapwesto sa mga bookstores.
At dagdag dito, may katumbas rin kasing value ang exhibitionism ng bawat pantasya na pinapamalas ng mga book covers na ito. Sa antas pa naman ng conservatism sa ating bansa, nananatiling taboo pa rin ang pagnanasa kaya naman napaka-indibidwal ng oryentasyon (bilang panumbalik sa primitive principle) at tila isang pananadya para himukin kang tignan ang mga imahe.
Pero libu-libong imahe ang lumalabas taon-taon. At ang nakakatuwa pa r’yan ay halos pare-parehas lang ang kanilang template ng mga disenyo. Tila mass production talaga ng iisang imahe na kinakagat at swak sa panlasa ng mga pinoy. Isang homogenizing-element na kinakapitang maigi ng mga kapitalista upang magkaroon ng monopolyo sa isang pantasyang walang kumokontrol o nagma-may-ari.
Nung sinuri ko ang mga pabalat na ito, iisa lang ang aking naisip. Kung ako ang sasaglit sa national bookstore, para kunin ito sa rack at pagmasdan tila parang napansin ko na parang tumitingin ako sa salamin. May katumbas na mirroring effect ang imahe ng mga babae bilang kakatawan sa ‘yo sa mundo ng pagnanasa. Katulad marahil ng mga make-overs sa TV, meron din itong aspeto ng aesthetic transformation dahil yung babaeng nakikita sa pabalat ay sintesis lamang ng iyong pansariling submission sa nobela.
Pero kumpara sa simpleng repleksyon lamang, isa syang looking through the glass gaya sa Alice in Wonderland. Sadyang may linya pa ring naghihiwalay sa fantasy at realism pero sa halip na kasamang magbago si Alice, nanatili siyang arbitrator sa dalawang magkaibang mundo. Kaya bilang mambabasa, yung anyo ng “pagtapak” ay sinisimbolo lamang ng mga imahe sa pabalat. Hindi lamang siyempre imahe ng babae ang nakadikit, kung minsan marami yang klase: may lalake lang, may magkasamang lalake at babae, kung minsan wholesome, meron ding mapanukso.
Sa kabilang banda, matuturing bang isang uri ng commodity fetishism ang pagkahumaling pa lang sa pabalat? Maaari. Ang book covers kasi ng mga nobelang ito ay isang uri na kaagad ng label. Isang label tulad ng Bench o Mcdonalds. Bahaging pambenta sa mga librong ito ang packaging kaya naman maingat ang pagpapakita nila ng imahe lalo’t pulido ito sa panahon ng modernisasyon. “rational modernism gave way to a self-conscious and promiscuous play of images.” (excerpt buhat sa sit, watch, buy and think)
Ang hatid na fetish ng mga images ay senyales lamang ng mga tipikal na commodified percepsyons ukol sa hinihikayat na tingin sa sarili: Maganda, Mestiza, Mapang-akit at Misteryosa. Karamihan pa sa kanila’y nakangiti upang iparating sa, mababaw na antas, na nangungusap sa ‘yo ang mga pantansyang ito. At sa mas malaking lebel, nagbubunsod tuloy ito ng fetishism di lamang sa nobela, kundi pati sa publikasyon mismo. Kung masusustinte ng isang publishing firm ang pantasyang hanap ng bawat tao, di malayong titindi ang pundasyon ng tiwala ng mga tao sa nasabing publication. Tila isang malakihang seduksyon tuloy sa ilalim ng mass produksyon.
Pero paano naman ang ilang imahe na may pamilyar na hubog? Sa daynamikong panahon kasi tila patuloy rin na sumasabay ang pagbabago ng mga pabalat ng mga tagalog romance novels. May ilang adjustments, kumbaga. Kung dati rati’y mga kuha o painting ng mga di kilalang tao ang kanilang kinukuha, ngayon, may hinahalo na silang mukha ng mga artista.
Sa biswal na oryentasyon, malamang hindi na bago ang Hollywood complex dahil isa na rin siyang pantasyang biswal. Tila mas sinasadya siya ngayon kasi malaki ang pagkiling sa mga kasalukuyang visual culture. “Television is perpetuated with flows of detached and fragmented images, spectacle and semiotics that stimulate desire” (excerpt buhat sa sit, watch, buy and think)
Ang stimulasyon ay dulot ng empowerment at impluwensya kaya naman ang pangingibabaw ng kulturang Amerikano ay ginagawang bait ng mga publishers upang lubusang lumakas ang kanilang kita sa kanilang publikasyon. Nagiging instrumental tuloy ang fetishism upang mapadali ang isang maka-kolonyal na homogeneity pagdating sa pagpapantasya.
Ang Manunulat sa Edad ng (trans)Morality at Pulis-Panlipunan
May ilang manunulat na hindi nagpapakilala, nabubuhay sa pen names at meron din namang iba na tuwirang nagpapakilala. Karamihan sa mga manunulat na ito nabubuhay magsulat sa isang publikasyon at nakakapagproduce ng mahigit daang titulo sa isang taon. Ang isang tanong lang dyan, malay ba sila sa papel na ginagampanan nila tuwing pinupunan nila ang pantasya ng mga mambabasa?
Ang manunulat mismo ay kabilang sa lipunang tinuturing niyang audience. Importante ring malaman ang katayuan niya sa buhay, kung siya ma’y edukadong middle class o nasa mababang uri ng lipunan. Mahalagang malaman kung saang kultura siyang lumaki, o aling impluwensya siya nagpadala dahil tutulay ito sa kanyang sinusulat. Kung gaya sa mga pulis, sinisuguro nila na may nagpapanatili ng mga norms: “What affired here is a basically conservative ideology, the system of values and beliefs that revolves around the need to preserve things as they are so that society might survive.” (Reyes. 1991, pp 143) Malay man o hindi ang manunulat, dahil nakatali siya sa authoritarian convention na nilatag sa kanya ng mga may hawak ng imprenta tinuturing tuloy na lifeblood ng mga patakaran o norms ang mga pantasyang hatid ng tagalog romance novels. Isang poor girl na gustong magkamit ng isang rich guy, o baligtaran. Dalawang pamilyang tutol sa pagpapakasal ng kanilang mga anak. Peer pressure ng magbabarkada sa isang babae para magkaboyfriend. Ilan lang ito sa mga kondisyong nararanasan sa kasalukuyan. Nagpipresenta siya ng mga problema, gayundin nagpipresenta rin siya ng mga solusyon. Ang mga solusyon nga lang na kanyang naiisip ay hindi lalampas sa mga alam niyang perogatibo na hatid ng ating lipunang lunoy sa kapitalismo. Mag-asawa ng mayamang lalake. Kailangang makibagay sa mga sosyal. Kailangan kung magsalita, english.
Gaya ng panahon, ang lipunan ay nagbabago rin. Sa antas na tumutuloy tayo sa panibagong yugto at tila pumapasok tayo sa kulturang global, nagbabago na rin ang papel ng moralidad sa mga nasusulat na nobela. Bunsod na rin ng liberalism at paglawak ng threshold ng ating konserbatibong lipunan, nagiging protektor tuloy ng trans-morality standards ang mga nobelista.
Hawak nila kumbaga, ang kumbensyon ng tinging moral at sa kabilang banda, hawak din nila ang anti-thesis nito bilang siyang sukatan ng mga normatives sa ating lipunan. Ang isyu halimbawa ng pre-marital sex, short term relationships ay taboo lalo na sa panuntunang Kastila noon, pero dahil daig na sila ng mga amerikano ngayon, nahawa pati ang ilang patakaran sa lipunan. May isa sana akong halimbawa ukol sa isyung ito ng morality pero nasa anyo siya ng video interbyu. Sa Multiply ko bale siya napanood. Kalahok sa interbyu ang isang batikang tagalog romance novelist na si Maia Jose at ang kanyang mga interviewers ay mga estudyante ng Ateneo High school. (mapapanood ang interview sa maiajose.multiply.com)
Atenean: What defines a good writer?
Maia: I believe a good writer not only writes for himself or herself but to impart something…to somehow contribute to the betterment of the reader’s life…
Atenean: Where do you draw your inspirations from?
Maia: basically from my family.. usually they say romance novels are not relevant to life, but I always say that romance is relevant, and love will save the world. Why do I say these? Because the core of our society is family, right? The family springs from the love story between a mother and a father, and if the love story produces a sound relationship, it eventually produces a sound family.
Atenean: What social class do you write for? Why?
Maia: Everybody. I think love is the same, no matter what social class you belong to. The woman’s respect for male, and more importantly the males respect for females is an issue that cuts across social issues from A to D. Most of the readers of the local romance novels belong to the C, D market but I NEVER write down to my readers.
Konklusyon
Siguro nga hindi na maiaalis sa libangan ng mga pilipino ang mga tagalog romance novels. Patuloy pa rin nilang susubaybayan ang mga kwentong puno ng ideyalismo, prince charming at happy endings. Walang masama na malibang paminsan-minsan lalo na kung mahusay naman ang pagkakatahi ng kwento. Pero gayunpaman, mahalaga ring balikan kung bakit ka nga ba nahuhumaling tayo sa ganitong klase ng pagpantasya. Dahil dito, maganda na ring suriin ang relasyon ng pantasya sa kapitalismo. Upang lubusang makita ang pang-aabuso na ginagawa nila gamit ang isang aspeto ng ating sarili na maaaring kontrolin. Tama lang sigurong isipin na sa bawat hiling ng pantasya, may katumbas itong sukat ng kahinaan na nanggagaling sa ating mga sarili mismo.
Senyales na rin ng pag-amin ang pagtangkilik sa ganitong klase ng mga nobela. Ang sumailalim sa isang kumbensyon ng pagnanasa ay nagpapahiwatig lamang ng isang uri ng pagsuko sa isang pwersang tila humuhubog sa atin. Malinaw na sa panahon pa lang ng mga Amerikano, konkreto na sumailalim ang mga pilipino sa isang sistema ng artikulasyon. Nanatiling pasibo sa impluwensya ng pop culture kaya parating may dating na learned helplessness sa lahat ng pagtangkilik, walang sapat na pagkusa upang alamin ang nasa likod nito.
Pulitikal din ang pagpili sa babae bilang bida sa mga kwento. Kung babalikan ang mga suring psycho-analisis, may kaugnayan talaga ang babae sa kanyang mga romantic fantasies. Sa mas kilalang palasak, emosyonal kung tawagin ang mga babae, may bias kumbaga sa mga intimate na relasyon kaya naman tila nurturing ang papel ng babae bilang nagtutulak sa ating mga pantasya. Sinasalamin nila ang ating mga saloobin, takot at sabik sa pagnanasa na handa niyang kontrolin.
Lumalabas tuloy na imbes na salamin, isang uri ng droga ang mga naglalabasang nobela dahil sa hatid nitong epekto sa mga mambabasa. Dahil walang tila na pagkakaiba ang mga kwentong lumalabas, parang repetisyon lang ng mundong hinubog ng kumbensyon kaya naman sapat nang isipin na iikot lamang ito sa hilam ng fantasy-addiction na siyang binibigay ng mga kwentong ito.
Mga Sanggunian
Benitez, Francisco. “Educational Progress in the Philippines” The Institute of Pacific Relations: Manila. 1931
Cornejo, Miguel. “Commonwealth Directory of the Philippines” N. P. Manila. 1939
Cruz, Jose Esperanza. “Ang Pahayagang Tagalog”. Bureau of Printing. Manila. 1983
Eagleton, Terry. “Criticism and Ideology”. New Left Books. London. 1976
Heart, Garnet. “The Promise” Your Story Haven. Copyright 2008.
Reyes, Soledad. “The Romance Mode in Philippine popular literature and other essays”. De La Salle University Press: Manila. 1991.
Lee Chua, Queena. “Do Pinoys Read at All?” Inquirer.net.
http://showbizandstyle.inquirer.net/lifestyle/lifestyle/view/20071125-102960/Do_Pinoys_read_at_all%3F“Pinoy Pop Literature: Romansang Tagalog”.
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Pinoy_Pop_Literature:_Romansang_Tagalog“Lit Actually”.
http://www.oovrag.com/essays/essay2005d-2.shtml. 2005
“Zombie Economy”. www.naughtthought.wordpress.com/2007/05/17/zombie-economy. 2007
“Sit, Watch, Buy and THINK: Sex and the City, Style, Consumerism and Gender”. 2008
http://iblogmedia.wordpress.com/2008/06/07/sit-watch-buy-and-think-sex-and-the-city-style-consumerism-and-gender/“A Mass Produced Fantasy in Commodity Culture: A Reading of Zizek and the Contemporary Romance Novel” culturalstudies.ca/proceedings 04/pdfs/downey.pdf